Para sa mga taong minamahal, ang pag-ibig sa kanila ay parang langka. Lang-katulad, lang-katumbas, at lang-katapusan. Pero sa mga taong sawi, ang pag-ibig ay parang kidlat, bigla na lang darating at bigla ring mawawala. Akala mo noon pang-habambuhay na kayo pero iniwan ka pa rin niya. Pinipilit mong ibalik ang nakaraan kahit alam mong wala na talaga. Ito yung mga panahong mapapa-isip ka na lang na "Kung kailan naman ako naging seryoso, doon pa ako iniwan." Ang sakit ‘di ba? Pero ganun talaga, parte ‘yan ng buhay at mahirap talaga iwasan kaya ito ang limang paraan kung paano maka-move on sa taong minahal mo ng sobra.
1. Ilabas mo na ang lahat ng iyong sama ng loob. Umiyak ka nang umiyak hanggang sa maubusan ka na ng luha, ikwento mo kay Papa Jack, o kaya pwede rin namang sumulat ka ng liham kay Ate Charo. Malay mo mapili ‘yang ipalabas sa Maalaala Mo Kaya. Basta kahit anong sa tingin mo ay makapagpapabawas ng iyong nararamdamang sakit.
2. Dapat desidido ka ng gusto mo na nga talagang makamove-on dahil ito ay isang mahabang proseso. Hindi ito parang outing na overnight lang tapos na. Maging desidido ka na ayaw mo na nga talaga sa kanya kasi baka mamaya pag binalikan ka, um-oo ka na lang agad na para bang walang nangyari. Iniwan ka na nga ‘di ba? Maaari niya lang gawin ‘yon ulit.
3. Maglibang ka. Ito ay maibaling ang iyong atensyon sa ibang bagay. Subukan mong maghanap ng bagong libangan. Maglaro ka ng sports, mag-gantsilyo o kaya nama'y mangolekta ka ng kung ano-ano tulad ng mga dyaryo, bakal at bote. 'Pag ibinenta mo yun, nakatulong ka na sa kalikasan, nagkapera ka pa!
4. Mahalin ang sarili. Paano mo masasabi na karapat-dapat kang mahalin kung sarili mo nga ay hindi mo kayang mahalin? Huwag kang magpabaya, sa halip ay pagbutihin mo pa ang iyong sarili. Magpaganda o magpagwapo ka. Subukan mong mag-ehersisyo araw-araw dahil ikaw rin naman ang makikinabang sa pagkakaroon ng malusog na pamumuhay.
5. Magdasal at magtiwala sa Diyos. Ipagdasal mo ang iyong nararamdamang lungkot, pati na rin ang iyong buhay pag-ibig. Magtiwala ka na ibibigay Niya ang taong magmamahal sa’yo ng tunay sa tamang panahon. Huwag mo ring kalilimutan na hindi ka nag-iisa dahil may Diyos na nagmamahal sa iyo at tiyak na hindi ka iiwan magpakailanman. Ang mga kalungkutan na nararamdaman natin ay nagsisilbing leksyon sa buhay. Oo, mahirap makaranas ng dalamhati, ngunit ito naman ang makapagpapalakas sa atin. Masaya umibig ngunit hindi nawawala rito ang kalungkutan. Ang boring naman siguro ng buhay kung hindi tayo makakaranas ng pagiyak dahil sa pagmamahal. Ang proseso ng pagmo-move on ay tuloy-tuloy dahil sa oras na matigil ito, uulit ka sa simula. Kaya mo 'yan, tiwala lang.